November 3rd, 2007
pag-agos ng tinta, sumayaw ang pluma
matagal tagal na rin mula noong aking isantabi ang aking panulat... isinara ang aking kuwaderno at talaan.... ibig ko nang iwan ang pagsusulat... tama na ang aking pag-iingay sa pamamagitan ng kumpas ng aking plumang binigyang titik ng aking isipang walang kapaguran...
sa ilang buwang katahimikan... nakipagtalo ang aking isipan at katawan... lakas at oras... marami ang pinaraan, pinalampas at ipinagwalang bahala dahil sa isang hangarin... busalan ang aking sariling pagpapahayag ng sarili....
o kay hirap na manahimik gayung ang iyong kalooban ay naghuhumiyaw... nabibingi sa sariling sigaw na tanging ako at ako lamang ang nakaririnig...
hindi ko maikakaila na sadyang hindi ko maisasantabi ang aking pagiging manunulat... hindi ko masabi kung kelan ako muling susumpungin ng pananahimik... susumpungin ng aking pag-iingay..
isa lang ang aking masisigurado... habang ang tinta ay pilit isinisilid sa isang lalagyan, sa pagbuhos nito, sasabay ang pluma... sasayaw sa saliw ng nag-uumpaw na mga salita na naguunahang maitala...